Nagmula Lamang sa Maliit

Dahil sa pangho-holdap ng isang lalaki ay nakapatay siya ng security guard sa bangko. Nadakip siya at napunta sa death row at noong araw ng kanyang bitay ay nangumpisal siya sa pari. Matapos niyang mangumpisal ay tinanong siya ni Father: “Mayroon ka bang nais sabihin sa akin at sa mga tao?”

Nanginginig ang boses na sinabi ng lalaki: “Nag-simula po ito Father noong ako ay maliit pa kasi kumukupit po ako palagi ng piso sa wallet ng nanay ko. Tapos yoon po ay naging dalawang piso, limang piso, sampung piso hanggang sa lumaki na nang lumaki. Sa eskwelahan naman po Father ay kinukuha ko yoong baon at ibang gamit ng aking mga kamag-aral. Noong tumagal ay natuto na akong magnakaw sa supermarket at dahil madali ang pera lalo akong natukso at napabarkada. Nalulong po kami sa ipinagbabawal na gamot at sa bawal na gamot na iyan ay naging matapang po kami na kaya naming gawin kahit ano. Kaya noong una tao lamang ang hino-holdap namin hanggang sa paglipas ng panahon ay naging bangko na. Doon ko po napatay Father yoong security guard. Father, nagsimula lamang ito sa piso at kung alam ko lang na magkakaganito ay sana noon ko pa po pinatay ang maliit na tuksong nasa kalooban ko na nagudyok sa akin na gumawa ng masama. 

Ang kwentong ito ay isang karaniwang storya ng krimen at isang karaniwang storya ng pagkakasala na parehong nagsimula sa maliliit na bagay lamang pero hinayaang lumaki hanggang sa hindi na ito mapigilan. Lahat ng malaki ay nagsimula muna sa maliit na hinayaan lamang na manatili kahit masama at mali kaya pagdating ng araw ito ay naging isang napakalaking kasamaan at kamalian na hindi na maaaring mabawi pa.

  • Yoong pa piso-piso lang ay naging daan-daan, naging libo-libo hanggang sa ito ay maging milyon-milyon. 
  • Naiinggit ka lamang sa una na nauwi na sa malaking paninirang puri na nakaapekto na sa buhay ng iyong kinaiinggitan.
  • Pahitit-hitit lang sa una ng marijuana napunta na sa mahinang droga hanggang sa humantong na sa shabu na sumira na ng iyong buhay.
  • Pilyong pagnanasa lamang na hinayaan hanggang sa humantong na sa panggagahasa. 
  • Pa kaunti-kaunti lamang na tagay ng alak na kinamihasnan na naging pagiging sugapa na sa alak na palaging nagbubunga ng basag-ulo. 
  • Maliit na hindi pagkakaunawaan lang hanggang sa nagmatigasan kaya nauwi sa malaking away na wala ng katapusan.
  • Patayataya lang hanggang sa naging talamak na sugarol na sa kasino.

Ngayon po ay panahon na naman ng kuwaresma ay inaanyayahan tayo ni Hesus na magsisi sa ating mga pagkakasala at magbalik-loob sa kanya at sa Ama. At lagi sa pagsisimula ng panahon ng kuwaresma ay ipinahihiwatig niya na bago tayo magsisi ay magsikap muna tayong huwag magkasala sa pamamagitan ng ating pagtatagumpay laban sa lahat ng uri ng tukso na siyang bukal ng lahat ng pagka-kasala.

Mayroon tayong kasabihan: “An ounce of prevention is better than a pound of cure”. Mas mabuti na yoong nagsisikap kang hindi magkasala kaysa magsisisi ka kung ikaw ay nagkasala na. 

Tulad sa ating kalusugan, mas mabuti na ang uminom tayo ng bitamina para huwag tayong magkasakit kaysa bibili ka ng mahal na gamot kung may sakit ka na. Sabi nga sa commercial: “Sa hirap ng buhay, bawal ang magkasakit”.

Gayun din naman sa pagiwas natin sa mga tukso na dumarating sa ating mga buhay na maaaring maging sanhi ng ating pagkakasala. Isang pagiingat para hindi mabulok ang ating pagka-kristiyano, para hindi mabulok at magka-kanser ang ating kaluluwa.

Ang lahat ng tukso ay humihimok sa atin na maging makasarili at piliin yoong mas makagiginhawa sa atin, yoong mas madali para sa atin. Pero hindi din naman dapat na palagi na lang na negatibo ang pananaw natin sa mga tuksong buma-balot sa ating kapaligiran dahil maaaring maging positibo ang isang tukso kung gagamitin natin itong daan para lalo tayong mapalapit sa Diyos.

Sa kabila ng napakaraming tukso sa ating paligid ay dapat tayong manatiling nakakapit at tapat kay Hesus dahil kung walang tukso ay wala rin tayong maipagmamalaking tagumpay. Hindi mo pwedeng maipagmalaki ang isang bagay na hindi mo naman pinagdaanan, hindi mo naman pinagsikapan o hindi mo naman pinagtagumpayan.

Hindi masama ang tuksong dumadating sa ating buhay kung ito ay ating paglalabanan at kung ito ay ating pagtatagumpayan dahil lalo tayong mapapalapit kay Hesus. Kaya huwag nating katakutan ang tukso bagkos ay gawin natin itong mga pagkakataon para mapatunayan natin ang ating pagmamahal kay Hesus sa pagtatagumpay natin sa lahat ng tukso at mga pagsubok na ating mararanasan.  

Taglay ang lakas na nagmumula kay Hesus, nawa ang kakaiba natin ngayong pag-gunita at pagdiriwang ng Panahon ng Kuwaresma dahil sa pandemiya ay mas magdulot sa atin ng ibayong lakas at pag-asa sa ating pakikiisa sa pagdurusa ni Hesus at ng buong Sambayanang Pilipino sa kinakaharap nating mabigat na pagsubok.

Ang lahat ay ating mapagtatagumpayan dahil kasama at kaagapay natin si Hesus sa ating paglalakbay araw-araw sa Banal na Eukaristiya at hanggang sa wakas ng panahon tulad ng kanyang ipinangako.

Hangad ko po sa inyong lahat ang isang makabuluhan at mabungang paggunita sa pagpapakasakit ni Hesus para sa ating kaligtasan. 

Gayun din isang mapagpalang pagbati ng Maligayang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagka-buhay ni Hesus sa inyong lahat.