Simula pa noong buwan ng Marso ay naging kakaiba na ang takbo ng pamumuhay ng bawa’t isa sa atin dahil sa pandemiya ng COVID 19. Marami tayong bagay na dati ay ating malayang nagagawa na ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan para na din sa kaligtasan ng bawa’t isa. Hindi kailangan pang isa-isahin ang mga bagong panuntunan na pinatutupad dahil alam na alam na nating lahat ito at sadya nating ginagawa araw-araw.
Kaya naman ngayong magpa-pasko ay marami tayong naririnig na mga komentaryo, at isa na dito ay “Hindi ma-feel ang Pasko kasi maraming bawal, mahirap ang buhay dahil maraming nawalan ng hanapbuhay at maraming naghihirap ng tao. Bukod sa maraming nawalan ng hanapbuhay ay nag sunod-sunod pa ang mga trahedya tulad ng pagputok ng bulkan, malalakas ng pagyanig ng lupa, pandemiya ng COVID 19, at kamakailan lamang ay ang sunod–sunod na malalakas na mga bagyo.
Parang hindi daw Pasko kasi walang bagong damit, walang bagong gamit, walang masasarap na pagkain, walang mga masasayang salu-salo ng mga pamilya at magkakaibigan. Nakalulungkot na para bang napakalungkot at napakadilim ngayon ng Pasko at tila walang makitang liwanag. Talagang nakalulungkot! Pero sadyang mas nakalulungkot na para sa karamihan sa atin nagkakaroon ng “Split Personality” o pwede nating sabihin na “Magkahiwalay na Katangian” ang kahulugan at liwanag na hinahanap natin ngayong Pasko.
Sa kabila ng pandemiya ay patuloy ang komersiyalismo kaya kitang-kita at dinig na dinig natin ang mga panawagan ng mga commercial ng malls, department stores at supermarkets sa kanilang tinatawag na “Christmas Countdown”. Ina-anunsiyo na iwasan ang “Christmas Rush”, iwasan ang dagsa ng mga tao kaya mamili na at maghanda na ng mga pangregalong damit at gamit, ng masasarap na mga pagkain, ng mga laruan at kung ano-ano pa.
Pero sa kabilang dako ang panawagan at paalala sa atin ng Santa Iglesiya ay mag-nilay at ihanda ang ating mga puso kung saan ay dapat isilang at manatili ang sanggol na Hesus na siyang kalutasan sa lahat ng walang kasiguruhang panahon natin ngayon. Na siya ay tanggapin at patuluyin sa ating mga puso at pamumuhay upang magliwanag ang ating mundo.
Ang pagdiriwang ng Pasko ngayon ay naging dalawang uri ng liwanag. Ang unang liwanag ay ang pagandahan at pabonggahang display ng mga Christmas Lights na matatagpuan sa lahat ng dako na nagbabadya ng material na paghahanda: “Magdali kayo, mamili na at nalalapit na ang Pasko”.
Pero ang ikalawang uri ng liwanag na madalas natatakpan at nalilimutan dahil sa mas pagpapahalaga natin sa material na paghahanda ay ang “Liwanag ng Sanggol” na si Hesus na isinilang sa isang sabsaban na nagsasabing: “Tumigil tayo sandali, magnilay, at siyasatin ang ating mga sarili, ang ating mga puso, at ang ating mga pamumuhay” kung ito ba ay naaayon sa kadahilanan ng kanyang pagparito sa mundo.
Napakalaking tukso kasi at napakadaling mabalot at masilaw sa mga nagniningning pero huwad na liwanag sa ating kapaligiran na nakakalimutan natin ang tunay na liwanag – “Ang Liwanag ni Hesus” na nagkatawang tao para sa ating kaligtasan.
Para sa ating mga Kristiyano ay tatlo ang anyo ng pagdating ni Hesus:
Pagdating sa Kasaysayan – yoong pagdating ni Hesus sa kasaysayan ng mundo mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas nang siya ay isilang sa isang sabsaban.
Pagdating sa Pamamagitan ng Pananampalataya – yoong pagdating ni Hesus sa mga Banal na Salita na ipinapahayag sa Banal na Eukaristiya at sa pagbaba niya sa altar para tanggapin natin ang kanyang tunay na katawan at dugo.
Pagdating na taglay ang Kaluwalhatian – ang pagdating ni Hesus sa wakas ng panahon bilang mahabaging hukom ng sanlibutan.
At itinuturo at pina-aalala sa atin na kilalanin ang pagdating ni Hesus sa mga kaganapan sa ating kapaligiran, sa mga taong ating nakakasalamuha, sa mga tungkulin na dapat nating ginagampanan. Dahil hindi lamang naman sa oras ng ating pagpanaw o sa katapusan ng mundo magaganap ang muling pagbabalik ni Hesus. Dahil dumarating si Hesus sa napakaraming pamamaraan araw-araw na kadalasan ay hindi natin binibigyan ng tamang pansin dahil sa ating maling pananaw.
Kailangang makita natin ang pagdating ni Hesus ng ano mang oras sa katauhan ng ating kapwa, sa bawa’t pangyayari at mga kaganapan. Sa mga biktima ng COVID 19, sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkan, sa mga napinsala ng malalakas na pagyanig ng lupa, sa mga nagdurusa ngayon dahil sa pananalasa ng sunod-sunod na malalakas ng bagyo o kahit na sa sino mang nangangailangan ng ating pagdamay at pagkalinga.
Story: Noong ako ay isang seminarista pa sinamahan ko ang isang pari para magbigay ng Advent Recollection at magpakumpisal sa dating Smokey Mountain. Pagdating namin ay punong puno na ang kapilya. Masayang-masaya ang mga tao bagama’t bakas mo sa kanilang paligid ang kahirapan. Namangha ako sa aking nakita noong lumapit kami ni Father sa may lectern kasi nakita kong mayroon silang ginawang belen malapit sa altar table. Pero kakaibang-kakaiba ang belen dahil ang mga ginamit nilang materyales ay puro hango sa basura. Yoong nagsilbing ulo ni Joseph at Mama Mary ay maliit na bola na ginuhitan ng mata, ilong, at bibig. Yoong katawan ay kahon ng gatas na kinat-out lamang. Yoong damit naman nila ay sirang banig na ginupit at ginawang balabal. Yoong sanggol na Hesus ay lumang manika na binihisan ng gula-gulanit na sando. Yoong bahay at kuna ay kahon na pinaglagyan ng tuyo. At may mga laruang hayop sa paligid ng sabsaban. Gusto kong maluha dahil bagama’t ang kanilang belen ay hango lamang sa mga maruruming basura ng ibang tao, bukal naman sa kanilang mali-linis na puso ang pagtanggap sa sanggol na Hesus. At ito ang tunay na
naganap mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas. Si Hesus ay ipinanganak sa gitna ng karukhaan at kahirapan. Para ipabatid sa atin na dapat din natin siyang makita sa dukha at nangangailangan.
Marahil ang mga nagaganap sa ating paligid ngayon ay pagpapa-alala na ang Pasko ay hindi yoong kinagisnan natin na karangyaan at magagarbong selebrasyon. Na ang tunay na Pasko ay pagkakatawang tao ng Diyos para tayong mga tao ay iligtas sa tiyak na kapahamakan at kung mananatili tayong tapat sa kanya ay makaka-bahagi din tayo sa kanyang pagka-Diyos sa kaharian na kanyang inihanda para sa mga tapat niyang lingkod. At ang isang paraan ng ating katapatan ay yoong siya ay makita, yoong siya mahalin, at yoong siya ay paglingkuran sa kapwa tao. Dahil siya mismo ang nagsabing, “Ano man ang ginawa mo sa iba ay siya mo ding ginawa sa akin”.
Gawin nating talagang kakaiba ang Pasko – hindi nakatuon sa pansariling kagustuihan o kaginhawahan kungdi sikapin nating mabanaagan lagi ang sanggol na Hesus sa kapwa tao. Sa gayon magiging kakaiba talaga ngayon ang ating Pasko.
Isang Maligaya at Mapag-palang Pasko po sa inyong lahat!